Friday, November 30, 2012

Unang Linggo ng Adbiyento - 2 Disyembre 2012 Taong K

PAMBANSANG LINGGO NG AIDS

Adbiyento: Panahon para Isipin ang Hinaharap nang may 

Pag-asa


PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Unang Pagbasa Jer 33:14-16

Sa maraming siglo, mula pa nang panahon ni David, ang bayang Israel ay naghintay sa pagdating ng Mesiyas na inapo ni David, gaya ng pangako ng Diyos. Taglay ng maikling sipi para ngayon ang gayong pangako.
L – Pagpapahayag mula sa Aklat ni Propeta Jeremias
Sinabi pa ng Panginoon, “Duma-rating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain.

Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang
mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila’y tatawagin sa pangalang ito: ‘Ang Panginoon ang ating katwiran.’ ”


Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Salmong Tugunan Awit 24
B –Sa’yo ako’y tumatawag, Poong D’yos na nagliligtas!


* Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos, ituro mo sana sa aba mong lingkod; ayon sa matuwid, ako ay turuan, ituro mo, Poon, ang katotohanan; tagapagligtas ko na ina-asahan. B.
* Mabuti ang Poon at makata-rungan, sa mga salari’y guro at patnubay; sa mababang-loob siya yaong gabay, at nagtuturo ng kanyang kalooban. B.
* Tapat ang pag-ibig, siya’ng umaakay sa tumatalima sa utos at tipan. Sa tumatalima, siya’y kaibigan, at tagapagturo ng tipan n’yang banal. B.

Ikalawang Pagbasa 1 Tes 3:12- 4:2


Matibay ang paniwala sa nalalapit nang ikalawang pagdating ni Hesus, lalo na ng mga taga-Tesalonica. Ang gayong paniwala ay may mga implikasyon ding moral, ayon kay San Pablo sa sumusunod na magandang panalanging nababagay sa pagsisimula ng Adbiyento.
L – Pagpapahayg mula sa Unang Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid: Palaguin nawa at pag-alabin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Kung ito ang mangyayari, palalakasin niya ang inyong loob. Sa gayon, kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus, kasama ang mga hinirang niya.
 
Isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Pa-nginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon – pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin – upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Hesus.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Aleluya Awit 84:8

B – Aleluya! Aleluya!
Pag-ibig mo’y ipakita,
lingapin kami tuwina,
iligtas kami sa dusa!
Aleluya! Aleluya!

Mabuting Balita Lu 21:25- 28.34-36


Ang sipi ng Ebanghelyo ngayon ay tumutukoy sa pag-dating ng makapangyarihang Kristo bilang Hukom ng lahat. Ang ikalawang bahagi ay naglalarawan kung paanong dapat maghanda ang mga mananampalataya para sa dakilang pagdating na pagbabatayan ng kanilang kapalarang walang hanggan.

P – Ang Mabuting Balita ng Pangi-noon ayon kay San Lucas
B – Papuri sa iyo, Panginoon!
Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon
ng mga tanda sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan; sapagkat mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan. Sa panahong iyon, ang Anak ng Tao’y makikita nilang dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan.
 
Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.
 
Mag-ingat kayo na huwag magu-mon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon!
B – Niluluwalhati ka namin, Panginoong Hesukristo!

Saturday, November 24, 2012

Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ni Hesukristo - Nobyembre 25, 2012

HULING LINGGO NG TAONG LITURHIKO "B"



Mabuhay ang Hari ng Ating mga Puso!


PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS


Unang Pagbasa Dan 7:13-14

Ang “Anak ng Diyos” na pinagkalooban ng kapangya-rihan, kaluwalhatian, at pag-hahari ay isang propetikong larawan ng Muling Nabuhay. Siya ang darating sa wakas ng panahon upang magpahayag ng kanyang walang hanggang paghahari sa sanlibutan.

L Pagpapahayag mula sa Aklat ni Propeta Daniel

Samantalang ako’y namama-hinga sa gabi, patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos at hindi babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Salmong Tugunan Awit 92
B –Panginoo’y naghari na! Ang damit n’ya’y maharlika!
* Panginoo’y naghahari, na ang suot sa katawan ay damit na maharli-ka at batbat ng kalakasan. B.
* Ang sandigan ng daigdig, matatag ang pinatungan, kahit ano ang gawin pa’y hindi ito magagalaw. Ang trono mo ay matatag simula pa noong una. Bago pa ang ano pa man, likas ikaw’y naroon na. B.
* Walang hanggan, Panginoon, ang lahat ng tuntunin mo, sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo. B.

 

Ikalawang Pagbasa Pah 1:5-8

 Ang maikling siping ito na buhat sa paunang salita sa Aklat ng Pahayag ay nagtataglay ng paglalarawan ng ginawa ni Hesus at patuloy pa ring ginagawa para sa atin. Dahil sa pag-ibig sa atin, pinalaya niya tayo sa ating pagkakasala at ginawa niya tayong isang marangal na bayan ng mga saserdote. Dahil dito, siya ang ating karapat-dapat na Hari.
 

LPagpapahayag mula sa Aklat ng Pahayag


Si Hesukristo ang tapat na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa. Iniibig niya tayo at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang liping maharlika upang mag-lingkod sa Diyos at kanyang Ama bilang mga saserdote. Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Pakatandaan ninyo! Darating siyang nasa mga alapaap, makikita ng lahat, pati ng umulos sa kanyang tagiliran; dahil sa kanya, iiyak ang lahat ng lipi sa lupa. Magkakagayon nga. Amen.
“Ako ang Alpha at ang Omega,” wika ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.
 

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!
 

Aleluya
B – Aleluya! Aleluya!
Pagpalain dumarating sa ngalan ng Poon natin, pag-hahari’y kanyang angkin.
 

Aleluya! Aleluya!
Mabuting Balita Jn 18:33-37


Habang sinusubok ni Pila-tong siyasatin ang batayan ng pagsasakdal kay Hesus, luma-bas ang katotohanan tungkol sa Pagkahari ni Kristo. Tunay ngang si Hesus ay “Hari,” bagamat hindi gaya ng mga hari ng mundong ito.
 

P – Ang Mabuting Balita ng Pa-nginoon ayon kay San Juan
B – Papuri sa iyo, Panginoon!


Noong panahong iyon, itinanong ni Pilato kay Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?”
Sumagot si Hesus, “Ang kaha-rian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo
sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.”
 

Ang Mabuting Balita ng Panginoon!
B – Niluluwalhati ka namin, Pangi-noong Hesukristo!

Tuesday, November 13, 2012

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon - November 18, 2012

NANANABIK SA PAGBABALIK NG PANGINOON


PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS


Unang Pagbasa Dan 12:1-3

Ang kasaysayan ng sang-katauhan ay tuwinang tina-tampukan ng sunud-sunod na labanan ng mga nagsisikap na maging tapat sa Panginoon at ng mga puwersa ng kasamaan. Tinitiyak ng sipi ngayong buhat sa Aklat ni Daniel na ang mabuti at marunong ay papupurihan, salamat sa tulong ng Diyos, na sinasagisag ng anghel na si Miguel.

L
Pagpapahayag mula sa Aklat ni Propeta Daniel

Sa pagkakataong yaon, darating si Miguel, ang makapangyarihang bantay ng bansang Israel, at magka-karoon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos.

Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba’y sa buhay na walang hanggan, at ang iba’y sa kaparusahang walang hanggan. At yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning na parang tala sa kalangitan magpakailanman.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Salmong Tugunan Awit 15

B –D’yos ko, ang aking dalangi’y ako’y iyong tangkilikin!

* Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay, ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan; ang biyayang kaloob mo ay kahanga-hangang tunay. Nababatid ko na ika’y kasama ko oras-oras, sa piling mo kailanma’y hindi ako matitinag. B.
* Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak, ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag. Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak, sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas. B.

* Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan, sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan; ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan. B.

Ikalawang Pagbasa Heb 10:11- 14.18

Sa patuloy niyang pagha-hambing sa mga saserdoteng Judio at ni Hesus, binibigyang-diin ng may-akda ng Liham sa mga Hebreo ang pangingi-babaw at higit na kadakilaan ng sakripisyo ni Kristo. Sa ganang sarili, sapat na itong magligtas sa lahat ng tao.

L – Pagpapahayag mula sa Sulat sa mga Hebreo

Bawat saserdote ay nakatayong naglilingkod araw-araw at naghahandog ng iyon at iyon ding mga hain, subalit hindi makapapawi ng kasalanan ang mga haing iyon. Ngunit si Kristo ay minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at iyo’y sapat na. Pagkatapos, lumuklok siya sa kanan ng Diyos. At naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samakatwid, sa pamamagitan ng isa lamang paghahandog ay kanyang pinapaging-banal magpakailanman ang mga nilinis niya. Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Aleluya
B – Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay samantalang hinihintay si Hesus na Poong mahal.


Aleluya! Aleluya!


Mabuting Balita Mc 13:24-32

Habang palapit na ang pagtatapos ng misyon ni Hesus, tinukoy ni Hesus ang katapusan ng Jerusalem at ng mundo sa mga pananalitang apokaliptiko. Sa sipi ngayon, tinitiyak niya sa kanyang mga disipulo ang pang-wakas na pagtatagumpay ng mabuti habang binibigyang-diin din ang patuloy na pagmamasid at kahandaan.

P – Ang Mabuting Balita ng
Panginoon ayon kay San Marcos
B – Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan.
At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.
Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos: kapag sumisipot na ang mga dahon sa sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang panahon ng pagparito niya – nagsisimula na. Tandaan ninyo: magaganap ang mga bagay na ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay sa ngayon.
Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula. Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakaaalam nito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon!
B – Niluluwalhati ka namin, Pangi-noong Hesukristo!

Sunday, November 11, 2012

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon - November 11, 2012

MABUHAY ANG MGA BUKAS-PALAD!

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Unang Pagbasa 1 Ha 17:10-16

Sa pag-iwas sa paghihiganti ni Haring Acab, nakatagpo ng masisilungan at pagkain si Propeta Elias sa bahay ng isang mahirap na balong nakatira sa lupang dumaranas noon ng tagtuyot. Ginantimpalaan ng Panginoon ang pagkabukas-palad ng babae – tanda ng kasaganaan ng Kanyang paggantimpala sa pinakamaliit mang kagandahang loob sa nangangailangan.

L – Pagpapahayag mula sa Unang Aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, si propeta Elias ay pumunta sa Sarepta, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang balo na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae: “Maaari po bang maki-inom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin: “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kaunting pagkain.”
Sumagot ang babae: “Alam po ng Panginoon na iyong Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon po kaming kaunting harina at kapatak na langis. Namumulot nga ako ng maigatongupang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”
Sinabi sa kanya ni Elias: “Huwag kang mag-alala. Humayo ka at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang munting tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, Diyos ng Israel: Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan at hindi rin matutuyo yaong langis sa tapayan hanggang hindi sumasapit ang talagang takdang araw na ang ula’y marapating papatakin ng Maykapal.”
Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at sila’y kumain – si Elias at silang mag-ina. At hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng pangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Salmong Tugunan Awit 145
B –Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin!

* Ang maaasahang lagi’y Pangi-noon, panig sa naaapi, ang Diyos na hukom, may pagkaing handa, sa nangagugutom. B.
* Pinalaya niya ang mga nabihag; isinasauli, paningin ng bulag; lahat ng inapi ay itinataas, ang mga hi-nirang niya’y nililingap. B.
* Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila’y doon tumatahan; tumutulong siya sa balo’t ulila, masamang balangkas pinipigil niya. B.
* Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon! Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion! B.

Ikalawang Pagbasa Heb 9:24-28


Sa sipi ngayon, ang may- akda ng Liham sa mga Hebreo ay patuloy sa pagpuri sa pagi-ging saserdote ni Kristo. Binibigyan niya ng diin ang pambihirang kapangyarihan ng kanyang minsanang pag-aalay sa sarili at ang kanyang maluwalhating pagbabalik para sa kaligtasan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya.

L – Pagpapahayag mula sa Sulat sa mga Hebreo

Pumasok si Kristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo’y nasa harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.
Ang dakilang saserdote ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon, may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit minsan lamang pumasok si Kristo upang ihandog ang kanyang sarili, at iya’y sapat na. Kung di gayon, kailangan sanang siya’y paulit-ulit na mamatay mula pa nang matatag ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang napakita, ngayong magtatapos na ang mga panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng haing kanyang inihandog.
Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayon din naman, si Kristo’y minsang inihandog bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya’y muling darating, hindi upang ihandog na muli dahil sa kasalanan kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Aleluya Mt 5:3
B – Aleluya! Aleluya!

Mapalad ang mga dukha na tanging D’yos na lumikha ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!

 
Mabuting Balita Mc 12:38-44

Sadyang napakalayo sa kasakiman ng “nagpapasasa sa mga naipon ng mga balo” ang nakaaantig na pagbibigay ng mahirap na balong naghandog sa kabang yaman ng Templo ng lahat niyang ikabubuhay. Ang halimbawa niya ay isa ring makapangyarihang pampasigla sa lahat ng nag-aakalang wala silang gaanong maitutulong sa iba.

P – Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
B – Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na mahilig maglalakad nang may mahabang kasuutan at natutuwang pagpugayan sa mga liwasan. Ang ibig nila’y ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga, at ang mga upuang pandangal sa mga piging. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo, at ang sinasangkala’y ang pagdarasal nang mahaba! Lalo pang bibigat ang parusa sa kanila!”

Umupo si Hesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob doon sa templo, at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi. Mara-ming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing na katumbas ng isang pera. Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at kanyang sinabi, “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”

 
Marcos 12:42-43 

Ang Mabuting Balita ng Panginoon!
B – niluluwalhati ka namin, Panginoong Hesukristo!

Homiliya

Saturday, November 3, 2012

Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon - Nobyembre 4, 2012

Ang Dalawang Pag-ibig na Nagliligtas sa Mundo

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

 

Unang Pagbasa: Deut 6:2-6


Pananalig sa Diyos at ma-pitagang pag-ibig sa Kanya ang dalawang pangunahing katangian ng bayang Israel. Ito ang ikinatangi nila sa lahat ng kanilang mga kasamang pagano. Ang pagpapahayag ng pana-nampalataya sa isang Diyos at ang tungkuling ibigin Siya nang buong puso, kaluluwa, at lakas ay ilan sa pinakamahalagang kayamanang minana natin sa mga Judio.


L – Pagpapahayag mula sa Aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao: “Matakot kayo sa Panginoon, ang inyong Diyos, at sundin ang lahat ng kanyang mga utos at mga tuntunin habang kayo’y nabubuhay. Kung ito’y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, dinggin ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo’y mapapanuto kayo, at lalaki ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyo, sa lupaing sagana sa lahat ng bagay.
Dinggin mo, Israel: Ang Pangi-noong ating Diyos ay siya lamang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, kalu-luwa at lakas. Ang mga utos niya’y itanim mo sa iyong isip.”

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Salmong Tugunan

B – Poong aking kalakasan, iniibig kitang tunay!

* O Panginoon kong aking kala-kasan, minamahal kita nang tunay na tunay. Panginoo’y batong hindi matitibag, matibay kong muog at Tagapagligtas. B.
* D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat. Tagapagtanggol ko at aking kalasag. Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas. B.
* Panginoo’y buhay, s’ya’y Taga-pagligtas, matibay kong muog, purihin ng lahat. Sa piniling hari, dakilang tagumpay, ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang. B.

 

Ikalawang Pagbasa Heb 7:23-28


Ipinaaalaala sa atin ng may-akda ng Liham sa mga Hebreo na ang mga saserdote ng Matandang Tipan mismo ay makasalanan at kung makailang ulit na nag-aalay ng sakripisyo. Sa kabilang dako, si Hesus ang walang salang Punong Saserdoteng
nag-alay ng kanyang sarili nang minsan at para sa lahat. Siya ngayo’y nabubuhay nang walang hanggan at siyang bukal ng kaligtasang panlahat sa pamamagitan ng kanyang tanging ganap at sapat nang sakripisyo.

L – Pagpapahayag mula sa Sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, dati, sa Matandang Tipan, maraming saserdote ang naghahali-halili, sapagkat namamatay
sila at hindi nakapagpapatuloy sa panunungkulan.
Ngunit si Hesus ay buhay mag-pakailanman, at hindi siya mahaha-linhan sa kanyang pagkasaserdote. Dahil nga riyan, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
Si Hesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon
sa ating pangangailangan. Siya’y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una’y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Hesus – at iya’y pangmagpakailanman – nang ihandog niya ang kanyang sarili. May mga kahinaan ang mga dakilang saserdoteng hinirang ayon sa Kautusan; subalit ang saserdoteng hinirang na may panunumpa ay ang Anak, banal magpakailanman. At ang panunumpa ng Diyos ay huling dumating kaysa Kautusan.

Ang Salita ng Diyos!
B – Salamat sa Diyos!

Aleluya Jn 14:23
B – Aleluya! Aleluya!
Ang sa aki’y nagmamahal, tutupad sa aking aral. Ama’t ako’y mananahan.
Aleluya! Aleluya!

 

Mabuting Balita Mc 12:28b-34

Ngayo’y ipinaalaala ni Hesus sa mga eskriba (at sa atin) na ang tapat na pag-ibig sa Diyos ay di maihihiwalay sa pag-ibig sa kapwa. Sa ganitong mga pa-ngunahing saligan nakasalalay ang buong buhay na moral ng Kaharian.

P – Ang Mabuting Balita ng Pangi-noon ayon kay San Marcos
B – Papuri sa iyo, Panginoon!

Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”
“Tama po, Guro!” wika ng eskriba.
“Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.”
Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon!

 

B – Niluluwalhati ka namin, Panginoong Hesukristo!

Homiliya

Nawa sa pamamagitan ng ebanghelyo ay mapawi ang ating kasalanan at ang ating karamdaman. Sa pangalan ng Diyos AMA, ANAK, at ng ESPIRITU SANTO. Amen.


Isang mapagpalang umaga po sa inyo mga magulang ko't mga kapatid Ang mabuting balita po natin ngayon ay patungkol sa mga utos ng Diyos.

Noong unang panahon ang Makapangyarihang Diyos na Lumikha ay nagbigay ng sampung-utos, ibinigay n'ya iyon kay Moises, nang sa kadahilanan na ang tao ay gumagawa ng pagkakasala ng kanilang kaluluwa at ang tao'y naghahanap ng liprika ng Diyos na kanilang sasambahin, noong panahong iyon ang Diyos ay nalungkot dahil para sa tao ay hindi pa sapat ang mga himala ng Diyos na ipinakita sa kanila. Kaya't iniukit ang sampung-utos sa bato ng Makapangyarihang Diyos Amang lumikha.

Sa panahon ng ating Panginoong Jesukristo ang sampung utos na ito ay nahati sa dalawa, ang unang utos sabi ng ating Panginoong Jesukristo: 'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ maipapakita po natin ang pag-ibig sa ating Panginoong Diyos ng buong puso sa pamamagitan ng pag-layo sa kasalanan alalaumbagay iiwasan natin gawin ang mga bagay na ipagkakasala ng ating kaluluwa hindi ito kalugod lugod sa Diyos. Ibigin natin ang Diyos nang buong kaluluwa sa pamamagitan ng paghahandog ng araw-araw nating gawain, sa pag-tatrabaho, sa pag-aaral na s'ya ang manguna sa atin.


ipagpapatuloy.........